
Ang Kondisyon ng HIV at AIDS sa Pilipinas
Ika-15 ng Abril, 2009
Panulat Ni: Marlon Toledo Lacsamana
Unibersidad ng Pilipinas (UP)
E-mail: mtlacsamana@gmail.com
Taong 1984 nang sa kauna-unahang pagkakataon ay mayroong naitalang kaso ng HIV infection sa Pilipinas. Mula noon hanggang Disyembre ng 2008, umaabot na sa 3,589 ang bilang ng mga naitalang Pilipino na may HIV sa Philippine National AIDS Registry ng Kagawaran ng Kalusugan (Department of Health). Sa bawat taon, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga taong nagkakaroon ng HIV. Kapansin-pansin din ang bilis ng pagdami ng mga kasong naitala sa kasalukuyang dekada kumpara noong dekada ’80s at ’90s. Mula 1984 hangang 1989 ay may kulang-kulang sa 50 ang napag-alamang positibo ng HIV sa bansa. Humigit 50 ngunit kulang sa 100 naman sa taong 1990 hangang 1992 at patuloy naman sa pagtaas sa taong 1993 hangang 2004, kung saan humihigit na sa 100 ang bilang. Sa taong 2006, umabot ang bilang sa mahigit 300 habang nagtala naman ng may pinakamataas na bilang na mahigit 500 sa taong 2008 (NEC, 2008).
Inilalarawan na ang pagkalat ng HIV sa bansa ay tago ngunit patuloy sa pagtaas (hidden and growing). Ang kasalukuyang kondisyon na ito ay isang katotohanan na lingid sa kaalaman ng publiko bagamat tanggap na rin ng iba't ibang sektor na nakikibaka sa pagsugpo sa HIV at AIDS; ito ay isang pagtingin na mula na rin sa UNAIDS. Ang pagsusuring ito ay batay sa dating paniniwala na mula lamang sa mga most at risk population (MARPs) o ang tinaguriang mga mamamayan na may mataas na pagkakataong makakuha ng virus dahil na rin sa uri ng kanilang pamumuhay na kinabibilangan ng mga taong nasa prostitusiyon o sex workers at ang kanilang mga kliyente, mga lalakeng nakikipagtalik sa kapwa lalake (men having sex with men), at mga nagtuturok ng droga.
Batay sa panayam sa mga taong may HIV, tumataas na rin ang bilang ng mga nagkakaroon ng sakit na ito mula sa hanay ng mga kabataan at estudyante, ordinaryong mga maybahay, propesyonal, at mga pangkaraniwang mamayan.
Ano Ang HIV at AIDS
Ang HIV ay nangangahulugang human immunodificiency virus. Ito ay isang uri ng retrovirus na sumisira sa natural na depensa ng katawan ng tao o ang tinatawag na 'immune system'. Sinisira nito ang CD4 o T4 cells, batayang cellular na siyang lumalaban sa anuman sakit o impeksiyon na pumapasok o kumakapit sa katawan ng tao (Joint United Nations Programme on HIV and AIDS, 2007).
Ang AIDS naman ay nangangahulugang acquired immune deficiency syndrome. Ito ay naglalarawan sa isang kondisyon ng taong may HIV na kung saan ay sira na o may kakulangan na sa kanyang natural na depensa ng katawan. Kadalasan ang taong nasa kondiyon ng AIDS ay kakikitaan ng iba’t ibang uri ng sakit o ang tinatawag na opportunistic infections tulad ng tuberkulosis, pneumonia, kanser, at iba pa (Joint United Nations Programme on HIV and AIDS, 2007).
Epekto ng HIV at AIDS sa Pamilyang Pilipino
Humigit kumulang sa ikatlong bahagi (1/3) ng lahat nang naitala na may HIV sa bansa ay mga migranteng Pilipino na nagtatrabaho sa ibayong dagat. Kinikilala ng Kagawaran ng Kalusugan at ng UNAIDS na ang mga kaso ng migranteng Pilipino bagamat malaki ay hindi pa rin sapat upang sabihin na may epidemya na sa hanay nila. Ito'y sapagkat sila ang grupo na hinihingan ng katunayan ng pagsusuri sa HIV ng mga bansang kanilang pagtratrabahuan. Sa madaling salita, tila malaki ang bilang ng mga migranteng may HIV dahil sila lamang ang regular na sinusuri sa HIV dahil ito isa sa mga hinihinging requirements bago sila makalisan para magtrabaho sa ibangng bansa (NEC, 2008; AMTP IV, 2005; Redefining AIDS in Asia, 2008).
Ang ilang mga ahensya ng pamahalaan—lalo na ang mga nasa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE) kasama ng ilang non-government organizations (NGOs)—ay kasalukuyang nagsusulong ng mga programang pang-edukasyon na naghahangad na pumigil sa patuloy na pagkalat ng HIV. Ang pagtuturo tungkol sa HIV ay isinasama na rin sa parehong Pre-Employment Orientation Seminars (PEOS) at Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) para sa mga migrante (Achieve, 2005).
Ang epekto ng HIV sa ekonomiya ay di matatawaran, batay sa pag-aaral ng mga pandaigdigang organisasyon tulad ng AusAID (2001). Nakasaad doon na maaari nitong baligtarin ang paglaki ng ekonomiya ng mga dalawang porsyento, at sa ibang bansa naman ay maaring umabot ng 40%.
Ang pinaka-kagyat na epekto ng HIV sa Pilipinas ay makikita sa ekonomiya ng pamilya. Ang kalakhan kasi ng nagkakaroon ng sakit na ito ay nasa edad 15-40 (NEC, 2008) o ang tinaguriang pinaka-produktiboang grupo. At ang pagkakaroon nila ng HIV ay nagdudulot ng negatibong epekto at pasakit hindi lamang sa indibidwal na may HIV kundi maging sa buong miyembro ng pamilya. Sinusugan pa ang pag-aaral na ito ng UNICEF kung saan lumabas sa kanilang publikasyon na 'State of the Filipino Children Report 2005' na batay sa kanilang pag-aaral, kung ang magulang ay nagkakasakit o namamatay dahil sa HIV at AIDS, karamihan sa kanilang mga anak ay naghahanap ng trabaho upang matulungan ang pangangailangan ng kanilang mga magulang at sarili. Indikasyon na ang sakit na ito ay nagdudulot sa mga kabtaang may miyembrong ng pamilyang may HIV or AIDS ng maagang pagtratrabaho sa halip na pag-ukol ng kanilang panahon sa pag-aaral.
Hadlang sa Pagsulong ng Edukasyon Laban sa HIV at AIDS
Marami sa nagsusulong ng edukasyon para sa HIV ang nadismaya sa naging pahayag ni Pope Benedict XVI patungkol sa paggamit ng condom. Pinahayag niya na hindi masasagot ng condom ang epidemya, manapa’y lalo lamang itong makasisira sa pamilya (San Francisco Sentinel, 2009).
Sa pahayag ni Rev. Fr. Martin Rhonheimer ng grupong Opus Dei , sinabi niya na maaari lamang gamitin ang condom ng isang lalaki na lumabas na HIV + upang hindi niya mahawa ang kanyang asawa. At patuloy pa rin nilang isusulong na ang paggamit ng anumang uri ng kontrasepsyon ay masama at di kailanman makakabuti sa kaninuman (Joint United Nations Programme on HIV and AIDS, 2007).
Mga Aral
Batay sa pag-aaral ng Commission on AIDS sa Asya (2008)—kung saan kabahagi dito si Rep. Nerissa-Soon Ruiz ng Cebu—iilang lamang sa mga pamahalaan, kabilang na ang Pilipinas, sa hindi nagbibigay ng prioridad or kahalagahan sa mga programang patungkol sa HIV. Ito'y sa kabila ng katotohanang: 1) kahit pa kalakhan ng mga nagkaroon ng HIV ay namayapa na; 2) kahit na ang usapin ng pagpigil sa HIV sa pamamagitan ng edukasyon ay hindi pa lubos na nagagamit; at 3) kahit na ang pagbibigay kaalaman tungkol sa HIV at AIDS sa komunidad ay hindi pa lubusang naisasakatuparan.
Kung susumahin ang mga rekomendasyon ng komisyon, maaaring sabihin na hindi pa ganap na nakikita ng mga pamahalaan ang kahalagahan ng pagsugpo sa AIDS, at ilang mga programa ng mga pamahalaan tulad ng sa Pilipinas ay bumabaybay sa tokenismo lamang.
Mga Rekomendasyon
Upang maging matagumpay sa mithiing pagputol sa pagdami ng nagkakaroon ng HIV at tuluyang pagkawala ng HIV sa mundo, kinakailangan ang masigasig na pagkilos laban sa sakit na ito. Nangangahulugan lamang na higit sa lahat ang pampulitikang katatagan ng mga pamahalaan ay kinakailangan. Maaring magsilbing aral ang pinagdaanan ng Tsina matapos nitong mapagtagumpayan ang kanilang rebolusyon.
Kinakailangan balikan ang aral ng linyang masa ni Mao Tse Tung na ”mula sa masa, para sa masa,” at ang ”ang masa ang siyang tunay na bayani at tagapaglikha ng kasaysayan.” Ang mga aral kung paano masugpo ang HIV at AIDS at kailangan bumaba sa hanay ng pangkalahatang populasyon o sa masa, at batay sa mga konkretong paraan ang magpapasya kung paano nila gagampanan ang pagsugpo sa nasabing sakit.
Sa Tsina, matapos ang matagumpay na rebolusyon noong 1949, isinulong nito ang pagkilos ng masa laban sa mga sakit. Ang mga programang pangkalusugan ay malinaw na ibinaba sa masa upang sila ang magpasya sa kung ano ang nararapat gawin sa mga sakit at/o epidemya na makaka-apekto sa taong bayan (Sidel, Victor W & Ruth Sidel, 1983).
Ang edukasyong naglalayong saklawin ang masa patungkol sa sakit ay kinakailangang umabot sa pinakamababang antas ng lipunan; hayaan dapat silang magpasya kung ano ang kailangang gawin, upang sa gayon ay maisulong mula sa ibaba ang mga karampatang gagawin upang hindi na kumalat ang sakit.
You need to be a member of Youth AIDS Filipinas Alliance, Inc. (YAFA) to add comments!
Join Youth AIDS Filipinas Alliance, Inc. (YAFA)